halamang-gamot, sariling atin

ISA ka ba sa mga taong bukang-bibig ang "Uminom ka ng gamot?" O di naman kaya ay konting sakit lang na maramdaman ay pupunta na ng hospital? Mahalaga na mabatid natin ang simpleng paggamit ng mga halamang gamot.

Friday, May 19, 2006

Sitsirika


Mabisa ito bilang natural na gamot sa diabetes. Ang pinaglagaan nito ay gamot din sa sakit sa ngipin, at ganoon din sa kanser.

Caimito


Gamot din ito sa diabetes. Nakapagpapaalis din ito ng mga bulate. Nakabubuti ang pinaglagaan nito sa tiyan at baga. Ang katas nito ay mabuti rin sa paghilom ng sugat.

DAHON NG BANABA (Banaba leaves)


Mainam na pampaligo ang pinakuluang balat o dahon sa bagong panganak. Kung gagawing tsaa at dadalisayin ang pinakuluang dahon, mainam na gawing agua tiempo (tubig) para sa mga may balisawsaw, sakit sa bato at pantog. Ang puno ng banaba ay mabuti ring gamut sa mga sakit na diabetes at alta presyon.

DAHON NG SAMBONG (Sambong leaves)


Ilaga o pakuluan ang dahon at gamiting agua tiempo (inumin) para sa mga maysakit sa bato at sa mga binabalisawsaw. Mainam ding panlanggas sa alipunga para sa may kabag at sakit ng tiyan, magpakulo ng 3 o 4 na dahon sa isang basong tubig sa loob ng 15 minuto. Inumin habang maligamgam ang pinagpakuluan.

GUMAMELA (Hibiscus)


Mabuting gamut sa pigsa. Kailangang dikdikin ang buko ng bulaklak na hinaluan ng kaunting asin at ihilot o itapal sa namamagang pigsa. Palitan ang tapal araw-araw hanggang sa mahinog ang pigsa. Mababawasan din ang kirot ng pigsa sa pagtatapal nito. Para sa mga bukol, dikdikin ang buko ng bulaklak at itapal. Mainam ding gugo ang katas ng dahon nito.

DAHON NG OREGANO (Oregano leaves)


Mabuti ang pinalambot na sariwang dahon sa nasunog o paso, kagat ng alupihan at sakit ng ulo. Kung ilalaga naman ang dahon, mabuting gamot sa sakit ng tiyan. Nakalilinis din ito ng balat.

DAHON NG BAYABAS (Guava leaves)


Ginagamit na panlanggas ng sugat, pampaligo ng mga bagong panganak; tsaa para sa mga nagtatae. Ipanlanggas ang maligamgam o pinalamig na tubig sa sugat, galis, bakokang, minsan o dalawang beses maghapon.Ilaga o pakuluan ang dahon. Gamitin ang pinagpakuluang tubig.

KATAS NG SABILA (Aloe Vera)


Mainam na gamut sa mga paso (burns) na gaya ng tilamsik ng mantika; ginagamit bilang pampalago ng buhok, pampakinis ng kutis, gamot sa sugat.Kunin ang katas ng dahon at ipahid sa balat na natilamsikan ng mantika; gamitin din ang katas para ikuskos sa anit at mukha. Maaari ring gamitin ang katas ng dahon bilang gamut sa sugat.

sampa-sampalukan


Ito ay pangkaraniwang klase ng damo. Ang pinaglagaan nito ay gamot sa mga hirap sa kanilang pag-ihi. Kailangan lamang pitpitin ang dahon at mabuti na itong pantapal sa mga maga sa katawan.

ampalaya


Ito ay mabuti para sa
mga taong may diabetes. Malaki ang maitutulong ng paglaga sa dahon nito at
pag-inom ng isa hanggang tatlong beses maghapon. Kailangang inumin ito
kalahating oras bago kumain. Mainam din ito para sa mga babaing
kapanganganak
lamang. Ito ay nakapagpapalakas sa kanila.
Samantala,
isang kutsarita naman
ng pinaglagaan ay mainam para sa mga sanggol para
hindi sila maging sakitin.